MENU

Ang kauna-unahan sa Pilipipinas na malaking ospital na pinondohan ng local govenrment unit (LGU) o pamahalaang lokal, ay bubuksan na sa mga mamamayan sa unang araw ng Pebrero, na siyang magsisilbing hudyat sa isang buwang pagdiriwang ng ika-54 na anibersaryo ng pagiging lungsod ng Caloocan.

 

Ito ay tatawaging Caloocan City North Medical Center (CCNMC) sa Camarin, North Caloocan, na may 50-bed capacity at mga makabagong kagamitan.

Ayon kay Mayor Oscar Malapitan, "ito ay aking pangako sa mga taga north na siya namang tinutupad ko ngayon".

"Maraming ospital na ang naitayo sa ibat-ibang panig ng bansa subalit ang mga ito ay pinag-ambagan na pinondohan ng lokal, probinsiya at gobyernong nasyunal. Nag-iisa lamang po tayo sa Caloocan na 100% ng ginastos dito ay galing sa buwis ng mga taga-Caloocan", dagdag pa ni Malapitan.

"Marami ring pagamutan ang 100% na pinondohan ng mga LGU, pero batay sa aming pag-aaral, ang mga ito ay health centers at maternity clinics... hindi ganito kalaking ospital", paliwanag pa ng mayor.

Sa February 1, ang unang bubuksan ay ang OPD o Out-Patient Department para makapag-serbisyo na kaagad ang ospital sa mga nangangailangan, at sa mga susunod na mga araw ay isa-isa nang bubuksan ang iba pang mga pasilidad gaya ng emergency room, maternity, operating room, pediatrics, kapag nakumpleto na ang pag-deliver ng mga bagong kagamitan.