MENU

Isang pang-unang tagumpay ni Caloocan City Mayor Oscar "Oca" Malapitan at ng buong konseho ng lungsod ang kanilang laban sa korte, matapos magpalabas ng Preliminary Writ of Injunction ang Caloocan Regional Trial Court (RTC) Branch 12 na buksan ang gate ng Pangarap Village.

Batay sa injunction na ipinalabas ni RTC Judge Remegio Escalada noong April 25, 2016, bubuksan ang gate ng Pangarap Village para sa Meralco, Maynilad at iba pang utility companies, pati na rin sa lahat ng government agencies.

Subalit nagmatigas ang Carmel Development Inc., (CDI), ang kompanya ng pamilya Araneta, na nagki-"claim" ng pagmamamay-ari sa Pangarap Village, at ayaw sundin ang utos ng korte.

 

Ito ay matapos samahan ni Caloocan City Administrator Engr. Oliver Hernandez at City Legal Chief, Atty. Don Camina ang RTC Sheriff para i-serve sa CDI ang injunction ng korte, at tuluyan nang maibalik sa normal ang buhay ng mga mamamayan sa Pangarap Village na mahigit isang taon nang nag-tiis.

"Ipapa-contempt namin ang CDI kasama na ang security agency nito, na ayaw sumunod sa utos ng hukuman", diin ni Hernandez.

"Walang sinuman, mayaman o mahirap man, ang maaaring sumuway sa utos ng batas. Sa ayaw at sa gusto nila, ang batas ang siyang mananaig", ayon pa kay Hernandez.

Ang Pangarap Village ay isang malawak na 156-hectare na lupain sa Brgy 181 at 182 sa North Caloocan, na idineklarang resettlement area noong 1973 ni Pangulong Ferdinand Marcos (Presidential Decree 293), subalit pinawalang-bisa at hinatulang unconstitutional ito (PD 293) ng Supreme Court noong 1988.

Matapos mapabalita noong taong 2010 ang $1.12 billion MRT Line 7 project ng gobyerno ay hinigpitan ng CDI, ang kanilang "claim" sa naturang lupain para itaboy ang mga naninirahan doon.

Nagsimula noong April 3, 2015 na pigilang pumasok ng mga guwardya ng CDI ang mga meter readers ng Meralco at Maynilad, kaya nawalan ng tubig at koryente ang mga mamamayan sa Pangarap Village.

Naglagay naman si Mayor Malapitan ng generators at water truck delivery para maibsan ang paghihirap ng may 40,000 na mga residente doon, at nagsampa kaagad ang Pamahalaang Lungsod ng Caloocan ng kaso laban sa CDI para tuluyan nang mabuksan ang gate at mapaalis ang mga guwardia doon.

"Bagamat hindi pa ito ang desisyon na hinihintay natin para malayang maglabas-masok ang mga mamamayan sa Pangarap Village at mamuhay ng normal, maituturing kong ito ay pang-unang tagumpay dahil maibabalik na ang kanilang tubig at koryente at makakapasok na rin ang gobyerno sa kanilang lugar", paliwanag ni Mayor Oca.

Pansamantalang gumagamit ng lagusan ang mga residente sa likod ng Pangarap Village para sa kanilang daanan, at naglalakad para makauwi o makalabas sa kaniilang mga tahanan.